As you all know, I suck at writing in Filipino but I will try my best to use our native tongue so please bear with me. >.<
Pinoy ako. Kahit na sabihin pa ng mga kaibigan ko na mukha akong Koreano o Intsik, PINOY ako! Kahit na sabihin nilang baluktot ang tagalog ko at kapos sa bokabularyong tagalog, Pilipino ako. Hinding hindi ko ipagkakaila ang aking kultura at pagkakakilanlan kahit na pilit ibinabaon tayo sa lupa ng mga taong hindi tunay na nakakaunawa sa atin.
Nakakalungkot lang isipin na kung kailan natin ginugunita ang ating pambansang wika ay nataon naman ang magkasunod na pagbatikos sa ating kredibilidad, katalinuhan, at moralidad. Bago matapos ang buwan, "napahiya" tayo sa buong mundo dahil sa "palpak" daw na sagot ni Bb. Venus Raj sa Ms. Universe Pageant. Lalong nayurakan ang ating pagkatao nang mailathala sa buong mundo ang madugong eksena sa Quirino Grandstand. Hindi ko na ipagtatanggol ang nakakapanglumong insidente sa Quirino Grandstand dahil nasabi ko na ang gusto kong sabihin sa naunang blog post ko. Ngunit gusto ko lang sabihin na hindi ako isa sa mga taong nagmamarunong na "bobo" and sagot ng pambato natin sa patimpalak ng Ms. Universe. Ang sagot ni Bb. Venus Raj ay naiintindihan ko. kaya mo bang sabihin sa buong mundo kung ano ang pagkakamali mo? Kung tutuusin, "unethical" ang tanong na iyon. Huwag niyo na sanang tapakan ang ating kababayan, dahil sa huli tayo rin ang masasaktan.
Nakakapanghina lang na sa mga nakaraang insidente, ang daming pilipino ang yumuyurak sa ating kapwa. Sa totoo lang, gusto kong umiyak at pagtatadyakan ang mga taong walang pakundangang nilalait ang ating kapwa Pilipino. Kung ayaw niyong maging mababa ang tingin sa atin ng mga dayuhan, huwag niyo sanang siraan ang ating sarili. Siraan niyo ang isang pinoy sa internet, buong mundo ang magbabasa nito at malamang ay maniniwala sila dito. Hindi ko sinasabi na pagtakpan mo ang problema ng bansa natin, ngunit sana huwag naman tayong dumagdag sa mga mapanira. mahirap bang magsabi ng magagandang bagay tungkol sa ating bansa? Kung tutuusin, maraming magaganda tungkol sa Pilipinas. Pero binibigyang pansin ba ito ng mga tao? Hindi. Dahil mas naniniwala sila sa pananaw ng mga mapanirang banyaga na hindi kilala ang tunay na Pilipinas. Buksan niyo ang mga mata niyo sa ganda ng Pilipinas, huwag puro sa pangit. Mas madaling makita ang kagandahan ng ating bansa at ng mga tao dito kaysa suyurin ang mga kapangitan.
No comments:
Post a Comment